KORONADAL CITY – Hinikayat ngayon ng pamunuan ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) Region 12 ang mga miyembro ng KAPA investment scam lalo na ang mga investors na empleyado ng gobyerno na seryosohin ang inilabas na cease and desist order (CDO) ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay BLGF-12 Director Jeany Tedera, nilinaw nito na mabigat ang inilabas na CDO dahil sa napakaraming “willing victims” na nag-invest kahit na donation ang kanilang pinirmahan na lantarang panloloko ni KAPA founder Joel Apolinario.
Ayon pa kay Tedera, ngayon pa lamang na may pagkakataon ay dapat na mag-withdraw na sila ng kanilang investment at huwag nang antayin pa ang ipapatupad na freeze order o tuluyang pagsara ng KAPA.
Ipinaliwanag din ni Tedera sa mga investors na ang inilabas na CDO ay proteksiyon para sa mga mare-recruit pa ng KAPA.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga mamamayan sa Soccsksargen na huwag basta pasisilaw sa mataas na interest na ipinapangako ng mga scammers dahil sila rin ang magiging kawawa sa huli.