Ikokonsidera umano ng Biden administration ang pagpapataw ng panibagong mga sanction laban sa North Korea at maging ang posibleng aksyon laban sa Russia.
Ayon kay US Secretary of State Antony Blinken, kabilang daw sa mga kasangkapang naglalayong isulong ang denuclearization ng Korean peninsula ay ang karagdagang sanctions at mga diplomatic incentives na hindi nito inilahad.
Nababahala rin daw si Blinken sa “violent crackdown” sa mga ralyista sa Russia at pag-aresto sa libu-libong katao na inihihirit ang paglaya ng ikinulong na opposition leader na si Alexei Navalny.
“The Russian government makes a big mistake if it believes that this is about us,” wika ni Blinkin. “It’s about them. It’s about the government. It’s about the frustration that the Russian people have with corruption, with autocracy, and I think they need to look inward, not outward.”
Hindi naman nag-commit si Blinken ng partikular na sanction laban sa Moscow.
Sa ngayon, nirerebyu umano ni Blinken ang magiging tugon sa aksyon laban kay Navalny, maging sa panghihimasok ng Russia sa eleksyon noong 2020, Solar Wind Hack, at ang umano’y bounty sa mga sundalong Amerikano sa Afghanistan.
“The president could not have been clearer in his conversation with President [Vladimir] Putin,” ani Blinken sa telephone call ni President Joe Biden sa Russian leader. (Reuters)