Nanindigan si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na hindi nito tatanggapin ang anumang alok na “blood money” o areglo mula sa mga pumatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jeanelyn Villavende.
Ayon kay Locsin, dadanak umano ang dugo para kay Villavende dahil kung siya raw ang tatanungin, buhay din ng mga salarin ng Pinay worker ang dapat na maging kabayaran.
Hindi rin aniya otorisado ang kinuha nilang Kuwaiti lawyer na tumanggap o humiling ng blood money mula sa mga suspek.
Sinabi naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III, kasalukuyan pa ring nakakulong ang mga amo ni Villavende na pinaniniwalaang pumatay sa kanya.
Sinuspinde na rin ng gobyerno ang agency na nagpadala kay Villavende sa Kuwait habang nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.