-- Advertisements --

ROXAS CITY – Kinumpirma ng donor recruitment officer ng Philippine Red Cross-Capiz chapter na paubos na ang platelet consentrate blood sa kanilang tanggapan na siyang ginagamit sa dengue patients.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Ketch Armiza, sinabi nito na habang patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue, unti-unting nagkakaubusan ng suplay ng dugo sa Red Cross, bagay na ikinabahala ng mga opisyal ng ahensiya.

Ang kakulangan sa suplay ng dugo ang itinuturing na malaking problema ng Red Cross, dahil nakasalalay dito ang buhay ng mga pasyente na nangangailangan ng dugo, lalo na ang nagkakasakit ng dengue na kailangang sumailalim sa blood transfusion.

Isang option na nakita ni Armiza kung hindi available o naubos na ang platelet consentrate blood na isinasalin sa dengue patient ay pwede rin gamitin ang fresh frozen plasma, ngunit depende pa rin ito sa desisyon ng doktor.

Napag-alaman na mula ng lomobo ang bilang ng dengue cases sa lalawigan ay araw araw na may pumupunta sa tanggapan ng Red Cross para kumuha ng dugo na gagamitin sa kanilang pasyente na may sakit na dengue.