-- Advertisements --
Saint John Paul II relic
Saint John Paul II relic at Manila Cathedral (CBCP file photo)

LAOAG CITY – Sasalubungin ngayong araw ng mga deboto sa Ilocos Norte ang blood relic ni Saint John Paul II at bibisita sa mga piling simbahan sa lalawigan.

Ayon kay Fr. Joey Ranjo, tagapagsalita ng Diocese of Laoag, mula sa Cagayan ay unang bibisita ang blood relic sa bayan ng Pagudpud pagkatapos ay sa Bacarra at sa lungsod ng Laoag.

Sa ikalawang araw o bukas naman ay pupunta ang blood relic sa bayan ng Dingras, lungsod ng Batac at sa hapon ay sa bayan ng Badoc bago pumunta sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Inihayag niya na ang blood relic ay kasama ng National Youth Cross na bibisita sa mga simbahan at parte ng programa para sa Year of the Youth ngayong taon at bilang paghahanda para sa ika-500 taon ng pagiging Kristiyano sa 2021.

Si Saint John Paul II ang itinuturing na ama ng World Youth Day at malaki ang tiwala nito sa mga kabataan.

Nabatid na dalawa hanggang tatlong oras na mananatili ang blood relic ni Saint John Paul II at bukas ito para sa mga deboto.

Maliban sa blood relic ay darating din ngayong araw ang imahe ng Santo Niño de Cebu.

Sinabi ni Ranjo na ang naturang imahe ay ang naging regalo ni Magellan kay Reyna Juana ng Cebu City.

Mananatili naman ang imahe sa bayan ng Vintar, Piddig at sa lungsod ng Laoag.

Samantala, mahigpit rin ang koordinasyon ng simbahan sa PNP at LGU kung saan bibisita ang blood relic at ang imahe para magong maayos ang pag-asiste sa mga deboto.