CAUAYAN CITY- Nagsasagawa ng random blood sampling sa mga manok at pato ang Department of Agriculture (DA) region 2 sa mga poultry farm sa rehiyon dahil sa naitalang bird flu sa Nueva Ecija.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na kasabay ng monitoring ng ASF ay binabantayan na rin sa mga checkpoints ang Bird flu kung saan inatasan na nila ang kanilang mga kawani na hanapan ng mga kaukulang papeles at kunan ng blood samples ng mga manok na dadaan sa checkpoints.
Muli naman silang nagpaalala sa mga may poultry o nag-aalaga ng pato at itik na mahigpit na ipatupad ang bio security at 1 kilometer radius bilang pag-iingat sa Bird flu dahil tulad ng ASF ay mataas ang Mortality rate nito na maaaring umabot sa Isang daan bahagdan.
Pinayuhan din niya ang mga nag-aalaga ng manok at pato na kung maobserbahan nila na nananamlay ang kanilang mga alaga, walang ganang kumain at makapagtala ng biglaang pagkamatay ay agad itong ipagbigay alam sa tanggapan ng DA upang mabilis na matugunan ng ahensiya.