Nagdulot ng tensyon ang bitbit at ipinasok na blue box ng mga tauhan ng Philippine National Police sa loob ng Kingdom of Jesus Christ Compound, Buhangin, Davao City kahapon.
Kinuwestyon kasi ng mga miyembro ng KOJC ang pagpasok nito sa kanilang lugar nang hindi dumaan sa X-ray scanner.
Sa ngayon wala pang paliwanag ang pamunuan ng Police Regional Office (PRO) 11 hinggil sa kung ano ang nilalaman ng naturang asul na kahon.
Batay sa datos, aabot sa isang daang pulis ang pumasok sa compung upang ipagpatuloy ang kanilang paghahanap sa puganteng Pastor na si Quiboloy at iba pang kapwa akusado nito.
Nabatid na bukod sa naturang kahon, nagdala rin ang PNP ng long-range acoustic device na ginagamit umano sa mga maritime at perimeter security at sa pagkontrol ng mga tao lalo na sa mga rally.
Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act 7610 Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act sa Davao RTC at paglabag sa Republic Act No. 9208 o qualified human trafficking na walang inirerekomendang piyansa.
May kinakaharap rin na kaso ang pastor sa S District Court for the Central District sa California USA para sa kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force,fraud and coercion at sex trafficking of children; conspiracy; ta maging bulk cash smuggling.
Makailang ulit na rin na itinatanggi ng kampo nito ang pagkakasangkot ni Quiboloy sa naturang mga paratang.