DAVAO CITY – Pormal ng sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) XI si Board Member Arvin Malaza alyas Jun Blanco at ang iba pang mga kasamahan nito dahil sa pagkakasangkot sa muling pag-ooperate ng Kabus Padatuon Community Ministry International Inc. (KAPA).
Mga kasong Large Scale Syndicated Estafa, Violation sa Republic Act 8799 o Securities Regulation Code at Illegal possession of Firearms ang kinakaharap ngayon ng mga personahe ng radio station na Muewz Radio na nakabase sa Davao del Sur at pagmamay-ari mismo ng radio announcer na si Arvin “Jun Blanco” Malza, board member ng lalawigan, matapos pinagpatuloy parin nito ang operasyon ng KAPA.
Kung maalala, nahuli sa isinagawang entrapment operation kahapon ang mga nasabi sa mismong opisina at radio station ni Board Member Malaza na Muewz Radio.
Iprinesenta ni NBI XI Spokesperson at Special Investigator Joel Ayop sa opisina ng Digos City Prosecutors Office ang mga ebidensya na narekober ng NBI XI sa ginawang entrapment operation gaya ng mga resibo, money counter, marked money na P10,000, ID ng mga miyembro ng KAPA, ledgers, books of account, shot gun na may apat na bala at mga papeles na may kaugnayan pa rin sa operasyon.