DAVAO CITY – Sasampahan na ngayong araw ng kasong syndicated large scale estafa at paglabag sa Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code (SRC) ang mga personahe ng radio station na Muews Radio na nakabase sa Davao del Sur at pagmamay-ari ng radio announcer na si Arvin “Jun Blanco” Malaza, board member ng lalawigan, matapos na ipinagpatuloy nito ang operasyon sa Kabus Padatuon Ministry Incorporated (KAPA).
Una rito, nagpositibo sa isinagawang entrapment operation kahapon ang nasabing istasyon ng radyo kung saan muli nilang ginamit umano sa panloloko ang KAPA kahit na may inilabas na kautusan ang Securities and Exchange Commission (SEC) na isa itong investment scam.
Una nang inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI-11) spokesperson Special Investigator Joel Ayop na limang mga indibidwal ang kanilang nahuli na kinabibilangan ng mga IT technicians, anchorman, guardiya at mismong si Jun Blanco.
Magsisilbi naman na ebidensiya sa isasampang kaso ang mga narekober na mga resibo, money counter, marked money na P10,000, ID ng mga miyembro ng KAPA, ledgers, books of account, shot gun na may apat na bala at mga papeles na may kaugnayan pa rin sa operasyon.
Sa panayam kay Blanco, kumambiyo ito sa kanyang paniniwala at sinabing isang klase ng panloloko ang KAPA at ito ay base sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung legalidad ang pag-uusapan, wala umano siyang kaalaman sa operasyon ng KAPA kung hindi ang mga nangunguna at namamahala umano nito.