DAVAO CITY – Nasa Digos City Jail na ngayon ang isang board member ng Probinsya ng Davao del Sur na nahuli dahil sa scam o pangloloko gamit ang muling pag-operate ng KAPA COMMUNITY MINISTRY / KAPA WORLDWIDE INC. (KAPA).
Napag-alamang una ng inihanda ng NBI Davao Region ang pagbiyahe patungo sa Digos City Jail ni Davao del Sur Board Member Arvin Malaza alyas Jun Blanco at ang iba pang mga kasamahan nito ito matapos na lumabas ngayong araw ang resolusyon ng Office of the City Prosecutor ng Digos City na nagsasabing indicted na sa kasong syndicated Estafa ang mga nasabi.
Parehong nakitaan ng probable cause upang madiin sa kasong Syndicated Estafa in relation to Article 315 ng Revised Penal Code ang pitong kasamahan ni Board Member Malaza na sina Jezrell S. Beray, Wendy F. Samson, Giselle D. Corpuz, Jake Louie E. Diez, Irish M. Dayanap, Romeo T. Laugo at Audie T. Barslote Jr.
Kung maalala, nahuli sa isinigawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation-XI noong September 18, 2019 si Malaza at ang mga kasamahan nito matapos na makumpirmang muling nag-operate ang KAPA sa kabila ng Cease and Desist order na inisyu ng Securities and Exchange Commission (SEC).