KALIBO, Aklan–Nagsagawa ang mga boat operators ng silent protest upang ihayag ang pagtutol sa isinusulong na Boracay bridge.
Ayon kay Christine Hope Pagsuguiron, barangay kagawad ng Caticlan, Malay, ginanap ang motorcade mula sa barangay Caticlan at umikot sa barangay Poblacion na inorganisa ng Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative (CBTMPC), asosasyon at kooperatiba ng mga boat operators at boatman sa nasabing bayan.
Nakibahagi sa kanilang aktibidad ang iba pang Tricycle Operators and Drivers Association at ilang pribadong indibidwal.
Matatandaan na mahigpit na tinututulan ng nasabing asosasyon ang plano na pag-construct ng tulay na kokonekta sa bayan ng Malay patawid sa isla ng Boracay dahil sa posibilidad na maapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Binigyang-diin ni Nabas sangguniang bayan member at consultant ng Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative na si Godofredo Sadiasa, hindi pa aniya sila nakakabawi mula sa kanilang inutang sa pag-upgrade ng kanilang motorbanca mula sa kahoy to fiber glass batay sa utos ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Maliban dito, tinitingnan rin ang posibilidad na maapektuhan ang environment sa pagkasira ng mga coral reefs o marine eco-system sa kabuuan sakaling simulant ang major construction.
Ang nasabing proyekto ay sa ilalim ng Public-Private Partnership o PPP Infrastructure Projects na pamumunuan ng San Miguel Corporation na may pondong P4.6 billion pesos.