-- Advertisements --

Hindi na pumalag si Vice Pres. Leni Robredo sa banat na “boba” sa kanya ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddyboy Locsin Jr. kaugnay ng kanselasyon sa diplomatic passport ng mga dating kalihim at ambassadors.

Ayon kay Robredo, mas maraming importanteng issue na kailangan bigyang pansin kaysa pumatol sa isang pahayag na hindi naman daw kabawasan ng kanyang pagkatao.

Dagdag pa ng bise presidente, hindi na bago para sa kanya na matawag ng kung ano-anong bansag bilang opisyal mula sa hanay ng oposisyon.

“Oo. Nabasa ko iyong tweet late last night kasi ang daming tumatawag. Sa akin naman, ever since hindi ako pumatol kapag usapang bastusan. Sa akin, hindi naman ako nababawasan noon. Alam ng tao kung ano ang tama at ano iyong mali, kaya hindi ko na iyon papatulan.”

Ang alam lang daw ni Robredo malinaw ang nakasaad sa batas hinggil sa pagbibigay ng diplomatic passport sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno.

“Pero iyong sa akin lang, kasi usapin ng hindi nag-aaral, usapin ng walang pagkaalam. Siguro iyong hindi dito napapag-usapan, ano ba iyong basehan, ano ba iyong basehan kung bakit nagkaroon ako ng ganoong statement na baka knee-jerk reaction? Ang basehan noon, mayroon tayong batas, iyong Republic Act 8239—mayroon tayong batas na nagsasabi na ito iyong mga klase ng passports na puwedeng i-issue ng pamahalaan.”

Sa ngayon nais umano ng pangalawang pangulo na pagtuunan ng pansin ang kaso ng mga Pilipinong mangingisda na nasangkot sa kontrobersya sa Recto Bank.

“Pero pagdating sa bastusan, hindi ako sasagot, kasi hindi naman— Hindi ako ganoon, at palagay ko karamihan sa mga Pilipino hindi rin ganoon. Kaya dapat hindi binibigyan ng pagkakataon na, parang, makabuwelo iyong ganoong pag-uugali.”

Mas mahalaga raw kasi na bigyang pansin kung may nalabag sa karapatan ng mga ito mangingisda sa loob ng ating teritoryo.

Sa akin naman… sa akin, wala iyon. Ever since naman, nasa receiving end ako ng napakaraming unfair na accusations, nasa receiving end ako ng napakaraming pambabastos. Kapag usapin na ganoon, ayaw kong patulan. Kasi mas maraming importanteng bagay na kailangang asikasuhin. Iyong pinaka-issue dito, iyong mga mangingisda, na na-violate iyong kanilang mga karapatan. Ano iyong ginagawa natin dahil sa— Ano iyong ginagawa natin para ma-repair iyong pag-violate sa kanilang karapatan? Tingin ko iyon iyong pinaka-issue dito.”

Nilinaw naman nito na hindi pa niya nakakausap si dating DFA Sec. Albert del Rosario.