Umani ng batikos online ang tumatakbong konsehal ng Cabuyao, Laguna na si Bobby Yan dahil sa paggamit ng larawan ng kaniyang yumaong kapatid at aktor na si Rico Yan sa kaniyang campaign posters.
Ilang Pilipino ang hindi napigilang kwestyunin ang desisyon ng television host sa pagsama sa kaniyang pumanaw na kapatid sa campaign material nito.
Pabirong tanong tuloy ng isang netizen, si Rico ba tatakbo?
Kinuwestiyon din ng isang online user kung anong kinalaman ng namayapang kapatid nito sa kaniyang pagtakbo gayong patay na aniya ito.
May ilan naman na tila na-cringe at sinabing dapat patahimikin na ang namayapang aktor.
May ilan naman na nagsabing hindi lang si Bobby Yan ang gumagamit ng namayapang kapamilya at inihalimbawa ang party-lists gaya ng FPJ Panday Bayanihan na ginagamit ang legasiya at kasikatan ng yumaong action star na si Fernando Poe Jr. sa kanilang kampaniya.
Si Bobby Yan nga ay ang nakatatandang kapatid ng sikat na matinee idol noong dekada 90 na si Rico Yan, na pumanaw sa edad na 29 anyos noong 2002 dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis na humantong sa cardiac arrest.
Samantala, sa kasalukuyan, wala namang batas sa bansa na nagbabawal sa mga kandidato sa halalan na gumamit ng larawan ng mga yumaong personalidad sa kanilang campaign materials.