-- Advertisements --

Isinapubliko ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang tatlong ahensya o kagawaran ng gobyerno na naitalang nangunguna sa mga may reklamo ng katiwalian.

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica, nangunguna rito ay ang Bureau of Customs (BOC), pangalawa ang Bureau of Internal Revenue (BIR), at nasa ikatlong puwesto ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Belgica, sa mga opisyal naman ng gobyerno na nakasuhan, napasuspinde at napaaresto ng PACC ay mula secretary, undersecretary, director, district engineer at maging mga prosecutor.

Tumanggi naman si Belgica na pangalanan ang mga ito habang nakabinbin pa ang mga kasong kriminal laban sa kanila sa Ombudsman.

Samantala, binigyang-diin ni Belgica na maging ang ilang mga opisyal ng gobyerno na malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ligtas sa kanilang imbestigasyon at pagpanagot sa batas.