Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa mga Filipino sa ibayong dagat na maingat na pumili ng mga freight forwarding firm sa pagpapadala ng mga balikbayan box sa kanilang mga pamilya sa ating bansa.
Binanggit ng BOC na dapat pumili ang mga customer ng mga reputable forwarding companies na accredited ng Department of Trade and Industry.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga balikbayan box.
Ang babala ay matapos matukoy ng BOC ang 16 na local at foreign forwarders na naiulat na may mga kaso ng mga inabandunang balikbayan box.
Hinimok din ng BOC ang publiko na mag-ulat ng mga alalahanin o karagdagang impormasyon ukol sa nasabing usapin sa pamamagitan ng Bureau of Customs – Customer Assistance and Response Service (BOC-CARES).
Pinayuhan din nito ang mga makakaharap ng mga isyu sa kanilang kargamento na mag-ulat sa mga kinauukulang awtoridad.
Una na rito, nangako ang BOC na kanilang tutugunan ang mga reklamo laban sa mga nagsasagawa ng iligal na aktibidad lalu na ang mga kumpanyang hindi pinahahalagahan ang padala ng mamamayang Pilipino.