Inihain ang mga reklamong kriminal laban sa mga may-ari at tripulante ng 2 sasakyang pandagat na sangkot sa iligal na paglilipat ng walang markang langis o “paihi” modus sa Navotas Fish Port, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na sinampahan ng mga kaso ang mga operator ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee para sa mga paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, National Internal Revenue Code, at Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Mahaharap sa naturang reklamo ang 9 na crew ng MT Tritrust, 16 crew members ng MT Mega Ensoleillee, at hindi pinangalanang mga may-ari ng mga barko at ng smuggled na langis.
Base sa affidavit, ibinunyag ng ahensya na nahuli ang naturang mga sasakyang pandagat na nagpupuslit ng unmarked fuel. Bago ito, ang mga kargamento na sakay ng mga barko ay sumailalim sa fuel marking test ng Enforcement Group-Fuel Marking Agents, at nagbunga ng failed results at hindi nakapagpakita ng Withdrawal Certificate at iba pang kaukulang dokumento kayat ang mga walang marka na langis ay pinaniniwalaang ilegal na inangkat.
Ayon sa ahensiya, ang MT Tritrust at MT Mega Ensoleillee ay naglalaman ng 320,463 litro at 39,884 litro ng diesel fuel, na nagkakahalaga ng mahigit P715 million.