Matapos magsagawa ng sabay-sabay na warehouse raids ang Bureau of Customs, natuklasan nito ang mga pekeng produkto gaya ng underwear, hardware products, at iba pang gamit sa Caloocan City at Bocaue, Bulacan noong nakaraang linggo.
Iniulat ng BOC Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang pagkakadiskubre ng humigit-kumulang P7.37 bilyong halaga ng mga ipinagbabawal na produkto.
Sa isang pahayag, sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na ang operasyong ito ay isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagsisikap na ganap na matuldokan na ang pagdagsa ng mga smuggled goods sa bansa.
Sa operasyon sa Caloocan City, natuklasan ng mga awtoridad ang 3,500 bale ng mga pekeng underwear at medyas na may mga tatak ng sikat na brand na tinatayang nasa P4.3 bilyon ang halaga.
Sa karagdagang pagsisiyasat sa iba pang mga bodega, natuklasan din ang mga karagdagang ipinagbabawal na produkto na nagkakahalaga ng P70 milyon, kabilang ang mga pambabaeng sandals, speaker, food items, industrial pipe fittings, at sanitary kitchenware.
Habang ang isa pang operasyon sa mga bodega sa Bocaue, Bulacan ay humantong din sa pagkakadiskubre ng iba’t ibang gamit na aabot sa P3 bilyon.
Kasama sa mga produkto na ito ang mga gamit sa kusina, liquid detergents, playing cards, hardware materials, appliances, clothing apparel, laruan, computer accessories, gadget, cosmetics, school supplies, plastic wares, power tools, mosquito coils, swimming vest and pools, mga laruan, scented candles, party materials, skate board at alkansya, cash box, tent, at iba pang pangkalahatang paninda.
Samantala, hihilingin naman ng mga awtoridad sa Customs sa mga may-ari ng mga nabanggit na produkto na magpakita ng mga dokumento sa pag-import o proof of payment.