Naharang ng Bureau of Customs ang mga misdeclared na pests mula sa Thailand sa Sub-Port of Central Mail Exchange Center (CMEC).
Sa pamamagitan ng mahigpit na pag-screen ng mga postal item, kabilang ang x-ray scan at masusing physical examination, natagpuan ang isang parcel na naglalaman ng 50 nakatagong piraso ng mga isopod, mga invertebrate na kabilang sa mas malalaking crustacean, na lahat ay misdeclared bilang candy.
Ang mga exotic pest ay kinumpiska dahil sa kawalan ng import clearance mula sa Bureau of Plant Industry, paglabag sa Plant Quarantine Law of 1978 (PD 1433) at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Una nang sinabi ni BOC Comm. Bienvenido Rubio ang pangako ng kawanihan na pigilan ang smuggling at protektahan ang mga hangganan ng bansa.
Ang BOC-NAIA, sa pangunguna ni District Collector Yasmin O. Mapa, ay nananatiling matatag sa kanilang pagsisikap sa seguridad sa hangganan laban sa pagpasok ng anumang mga dayuhang peste at iligal na produkto mula sa ibang bansa.