Nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport ang isang bagahe na naglalaman ng methamphetamine o shabu sa Paircargo warehouse sa Pasay City.
Tinatayang nasa higit P218-M ang halaga ng 32 kilograms na shabu na natagpuan sa bagaheng idineklarang “machinery muffler” na nanggaling umano sa bansang Zimbabwe.
Isinailalim sa matinding profiling ang bagahe ng Customs Intelligence and Investigation Service. At dumaan din ito sa X-Ray at K9-dog sniffing at physical examination na naging dahilan para madiskubre ang shabu sa loob ng mufflers.
Naaresto na ang consignee ng bagahe sa pakikipagtulungan ng Customs sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group. Sasampahan nila ng kaso ang suspek sa paglabag sa Customs Modernization Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.