Nanawagan ang Bureau of Customs (BOC) sa mga may-ari o claimant ng imported goods na sakop ng Letters of Authority (LOA) na kusang-loob na ayusin ang mga tamang duties at taxes sa halip na sumailalim sa proseso ng Warrant of Seizure and Detention (WSD).
Sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), may 15 araw ang mga claimant mula sa implementasyon ng LOA para pumili ng voluntary payment, ayon sa BOC.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na ang option na ito ay upang maiwasan ang mahabang seizure proceedings na maaaring humantong sa pag-forfeit ng mga imported na produkto.
Batay sa Section 5 of Customs Administrative Order (CAO) 10-2020, ipinaliwanag ni Rubio na ang mga produkto ay maaaring i-release agad bilang proof of payment ng tamang duties at taxes kasama ang dokumentasyon ng local purchase.
Inilabas ng BOC ang abiso kasunod ng pagkakasamsam kamakailan ng P2.8 bilyong halaga ng mga luxury vehicle, kabilang ang Ferrari, Porsche, at McLaren models, mula sa mga bodega sa Makati, Taguig, Parañaque, at Pasay.