Nananatili umanong committed ang Bureau of Customs (BOC) sa pagkumpiska sa mga iligal na COVID-19 vaccines at dakpin ang mga nasa likod ng ipinagbabawal na transaksyon.
Sa gitna pa rin ito ng mga ulat tungkol sa mga naglipanang bakuna na nanggaling sa black market at ginagamit na dito sa bansa.
Ayon sa BOC, nagpapatuloy na ang mas pinaigting na data gathering at koordinasyon sa mga law enforcement agencies upang tugisin ang mga smuggled na bakuna.
“Amidst reports of black market vaccines being distributed and administered in the country, the Bureau remains committed in seizing such items and apprehending unscrupulous individuals,” saad ng BOC.
Una rito, sinabi ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang See na nasa 100,000 Chinese, na karamihan ay mga nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operators (Pogos) industry, ay naturukan na ng COVID-19 vaccine noong Nobyembre at Disyembre.
Binatikos din ni Ang See ang umano’y kapalpakan ng intelligence ng gobyerno dahil sa pagkabigo raw nitong mabatid ang palihim na pagbabakunang nangyayari sa libu-libong mga Chinese nationals sa bansa.