Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang motor tanker at 11 lorry trucks na may smuggled fuel na nagkakahalaga ng ₱13 milyon sa Subukin Port, San Juan, Batangas nitong Martes.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ang operasyon ay isinagawa kasama ang Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), Philippine Coast Guard Task Force Aduana, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Batangas.
Ang motor tanker na M/T Feliza ay may kargang 217,000 litro ng smuggled diesel, habang ang kabuuang halaga ng nasabat na sasakyan at langis ay tinatayang nasa ₱128 milyon.
Lumabas sa pagsusuri na ang naturang diesel ay walang tamang marking, indikasyon na hindi ito nagbayad ng buwis. Mahaharap sa kaso ang may-ari ng barko, kapitan, at crew para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.