Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang humigit-kumulang ₱29 milyong halaga ng hinihinalang marijuana at kush oil na nakatago sa loob ng mga balikbayan box mula sa Canada.
Pinangunahan ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang operasyon noong Biyernes, Marso 7, sa Manila International Container Port (MICP).
Idineklara ang mga nasamsam na gamit, bilang mga gamit sa bahay at personal items, mula sa Canada at naka-address sa tirahan sa General Trias, Cavite.
Tinuligsa naman ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang paggamit ng mga balikbayan box para sa smuggling, at binanggit na hindi nito iginagalang ang tradisyon ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nagpapadala ng mga regalo sa kanilang mga pamilya.
Napag-alaman sa isinagawang pagsusuri ang 20,990 gramo ng kush at isang litro ng pinaghihinalaang kush oil, na may tinatayang street value na ₱29.38 milyon.