Tiniyak ng Malacañang na “tutuluyan” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa katiwalian lalo sa illegal drugs at rice smuggling.
Una nang iniutos ni Pangulong Duterte ang pag-freeze at pagsibak sa ilang Customs high-ranking officials na sangkot sa korupsyon na nakatakdang pangalanan at sasampahan ng kasong kriminal at administratibo sa takdang panahon.
Sinabi ni Sec. Panelo sa press briefing sa Malacañang, walang sisinuhin at sasantuhin si Pangulong Duterte sa paglilinis sa Customs mula sa mga tiwaling opisyal at empleyado nito.
“The anti-corruption campaign is continuing as it is relentless. No one will be spared,” ani Sec. Panelo.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kasunod ng umano’y P1 billion tapioca-shabu cover-up sa BOC.
Kung maaalala, ibinulgar ni dating Customs spokesperson Atty. Erastus Sandino Austria na ang anggulong entrapment operation na iginigiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa P1 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa isang warehouse sa Malabon City ay “fabricated” o gawa-gawa lamang.
Ayon kay Atty. Austria na dati ring district collector sa Manila International Container Port, walang katotohanan ang claim ng PDEA na “controlled delivery” ang ginawa ng ahensya para lumutang ang mga sindikato ng droga kapag sumali sa public bidding.
Batay sa report, aabot sa 146 kilos ng shabu ang narekober sa Goldwin Commercial Warehouse sa Malabon nitong Mayo na sang-ayon kay PDEA director general Aaron Aquino ay galing sa Golden Triangle syndicate.