-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Umabot sa dalawang container van o halagang P60 million ng pekeng sigarilyo ang nadiskobre ng National Bureau of Investigation o NBI-10 sa isang warehouse ng Barangay Kauswagan, Lungsod ng Cagayan de Oro, kaninang tanghali.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay NBI-10 team leader at special investigator Nolan Gadia, sinabi nitong inilagay sa loob ng container van na pagmamay-ari ng KDT logistics ang mga kahon-kahong sigarilyo na may pekeng Bureau of Internal Revenue (BIR) stamps kung saan peke rin ang mga inimbak na mga sigarilyo.

Nasa kustodiya na ng NBI ang dalawang Chinese national na aktong nakita sa loob ng ni-rondang warehouse.

Ayon kay Gadia, haharapin ng mga negosyanteng Chinese ang kasong isasampa ng BIR at NBI-10 sa piskalya bukas.