Iminumugkahi ng isang mambabatas na dapat kasama na sa outfit of the day (OOTD) ang pagsuot ng body camera ng mga miyembro ng Pambansang Pulisya at iba pang law enforcement agencies na makikiisa sa drug bust operations.
Ang panawagan ay ginawa ni House Deputy Speaker Ralph Recto dahil ang video recording anya ng aktuwal na operasyon ay makatutulong para makasuhan ang mga suspect, mabigyan ng commendation ang mga pulis at mahuli ang mga sangkot sa panunuhol.
Ayon kay Recto, mura na ngayon ang mga device at mahirap baligtarin kapag dokumentado ang mga pag-aresto sa isyu ng iligal na droga.
Sabi ni Recto, mainam na may resibo dahil mahirap ipagkaila ang mga ebidensiya sa video recording sa bodycam at dashcam.
Inirerekuminda ni Recto sa pamunuan ng PNP na magsagawa ng imbentaryo ng kanilang bodycams.
Katuwiran ni Recto, kung tree planting at gift giving ng mga presinto, naka-Facebook live, bakit ang paghuli sa mga salot ng lipunan ay walang ganung coverage.
Pahayag pa ng mambabatas na huwag na umanong mag rely ang otoridad sa mga CCTV footages, imbis ay magkaroon ng device na dala dala na magrerecord before, during at after ng operasyon.
“Dapat kasama ‘yan sa OOTD ng mga pulis na sasabak sa mga operasyon laban sa droga,” ayon pa kay Rep. Recto.