URDANETA CITY, Pangasinan — Nasawi ang isang lalaki, habang sugatan naman ang kasama nitong babae matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa lungsod ng Urdaneta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Rey Floro Tuanquin, Chief Investigation Officer ng Urdaneta City Police Station, sinabi nito na nangyari ang pamamaril sa harap ng isang bahay sa Zone II, Brgy. Dilan-Paurido, Urdaneta.
Kinilala naman nito ang mga biktima na sina Bernardino Esteves Bernardo, 60-anyos, at ang kinakasama nito na si Maria Christina Parayno, 58-anyos, kapwa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng nasabing lungsod.
Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na umalis ang mga biktima ng kanilang tahanan upang pumasok sa trabaho kahapon ng umaga lulan ang isang motorsiklo.
Habang nasa daan sila ay napansin nila ang isang itim na SUV na nakaparada sa may kahabaan ng kalsada sa naturang lugar. Nang makalapit sila sa sasakyan ay bigla na lamang silang hinarang sa daan ng apat na mga armadong kalalakihan na bumaba ng SUV.
Tatlo sa mga suspek ang armado ng short firearms habang ang isa naman ay may bitbit na M16 rifle.
Isa sa mga suspek ang binaril si Bernardo at nagdeklara ng hold-up at pwersahang kinuha ang sling bag ng biktima na naglalaman ng kanyang LGU ID, at gayon na rin ang shoulder bag ni Parayno na naglalaman naman ng ilang mga identification cards, pera, at iba pang personal na kagamitan.
Matapos na kuhanin ang kanilang mga bag ay pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima at kaagad na tumakas mula sa lugar ng krimen patungong timog at silangang direksyon.
Dahil sa mga natamo nitong tama ng baril ay kaagad na nasawi si Bernardo habang nagtamo naman ng sugat sa kanyang kanang kamay si Parayno.
Ayon naman sa pakikipagusap ng mga kapulisan kay Parayno na ang mga suspek ay may suot na kulay itim na damit at sumbrero.
Narekober naman ng mga kapulisan ang apat na basyo ng M16 rifle at isang basyo ng caliber 45 na baril sa crime scene.
Bagamat isa sa mga tinitingnan nilang dahilan sa pamamaslang sa isa sa mga biktima ang nangyaring hold-up, hindi naman sila tumitigil sa paghahanap ng iba pang motibo ng mga suspek sa krimen.
Kabilang na rin sa mga motibong kanilang tinitingnan ay ang pagkakasangkot ng lalaking biktima sa isang kaso kung saan ay dati na itong nakulong dahil sa pagbebenta ng droga at iba pang mga krimen.
Napagalaman din na si Bernardo ay nagtatrabaho bilang personal bodyguard ng Alkalde ng lungsod ng Urdaneta. Ngunit ang kinumpirma ng kinakasama nito ay hindi ito ang trabaho ng biktima kundi ito ay itinalaga bilang tagabantay ng isolation area na dating ginamit noong kasagsagan ng pandemya.
Samantala, nagpapatuloy din ang kanilang ginagawang backtracking at pakikipag-usap sa mga posibleng saksi sa krimen para sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng mga suspek.
Kinokonsidera naman aniya nila ito bilang isolated case dahil wala pa silang konkretong ebidensya upang masabi na ito ay may kaugnayan sa pulitika.