-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Patuloy ang pagsisiyasat ng mga otoridad sa pagbagsak ng China East Airlines na ikinasawi lahat ng mga sakay nito na isang daan tatlumpot dalawang pasahero at crew.

Daan-daang rescuers at medical personnel gayundin ang mga pulis na ang nagtutulong sa rescue operations.

Matarik ang bulubunduking bahagi kung saan bumagsak ang eroplano.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Rhodalyn Alejandro, OFW sa China na nasa dalawang hotel ngayon sa Guangzhou ang pamilya ng mga namatay na pasahero at naghihintay ng update sa pagrecover sa bangkay ng mga biktima.

Sinuspindi muna ang operasyon ng iba pang Boeing 737-800 na model ng bumagsak na eroplano.

May magandang record ang 737-800 dahil noon pang Agosto 2010 nagkaroon ng huling aksidente ang mga eroplano nito.

Sinabi ni Alejandro na bibiyahe din sana ang kanyang employer noong March 21, 2022 ngunit hindi natuloy ang dadaluhang conference dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sinabi ng kanyang amo na ayaw na niyang sumakay ng nasabing modelo ng eroplano.

Sinisikap aniya ng mga tagasisyasat na matagpuan ang flight data recorder ng eroplano para matukoy kung ano ang tunay na dahilan ng pagbagsak nito.