Mananatiling ipagbabawal ang pagpapalipad ng mga Boeing 737 MAX dahil patuloy pa umano ang pagsasa-ayos nito ng bagong software patch ng nasabing eroplano.
Una nang sinabi ng Boeing na magpapasa ito sa Federal Aviation Administration ng mga dokumento na nagsasaad ng mga pagbabagong gagawin nila sa eroplano. Nagsagawa rin ito ng meeting kung saan inimbitahan nila ang daan-daang representative mula sa iba’t ibang airline companies upang idemonstrate ang mga pagbabago sa software.
Ngunit ayon sa FAA marami pa umanong kailangan ayusin sa bagong software. Inaasahan daw nila na matatanggap nila kaagad ang bagong final package ng software update mula sa Boeing sa mga susunod na linggo.
Hindi naman kumontra rito ang Boeing at nangakong sisiguraduhin nilang hindi na mauulit ang malagim na pangyayari sa magkahiwalay na plane crash ng Ethiopian Airline at Lion Air na ikinasawi ng daan-daang pasahero.