-- Advertisements --

“I shall return. “

Ito ang binitawang pahayag ni Bohol Gov. Aris Aumentado matapos ang inilabas ng Office of the Ombudsman na 6 na buwang preventive suspension laban sa kanya at 68 iba pang opisyal dahil sa kontrobersiyal na Captain’s peak o ang resort na itinayo sa paanan ng Chocolate hills.

Kabilang sa mga pinatawan ng suspensyon ay ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, national officials na nasa ilalim ng DENR, DA, DOST, PNP, OCD at maging ang mga barangay kapitan na nakakasakop sa area.

Nagpapatuloy pa aniya sa ngayon ang imbestigasyon sa senado at sa Kamara kaugnay sa nasabing kontrobersiya at nagkaroon din naman umano ng sariling imbestigasyon ang Pamahalaang Panlalawigan.

Inamin pa ng gobernador na ikinalulungkot nito ang nangyari gayunpaman, ipagdasal na lamang umano na makamit ang tama, makatarungan at patas na solusyon ang lahat ng ito.

Hindi pa aniya siya titigil na gumawa ng mabuti upang mapangalagaan at maprotektahan ang kapaligiran.

Hiling naman nito sa mga empleyado ng Kapitolyo na alagaan ang kani-kanilang mga trabaho sa pagbigay-serbisyo sa publiko.

Aniya, nasuspendi siya at ang iba pang mga opisyal sa kabila ng paggawa ng maayos sa kanilang trabaho at paano pa kaya hindi ito gagawin ng mga maiwanan sa Kapitolyo.

Matatandaang lumutang ang issue nang kumalat ang mga larawan ng isang resort sa paanan ng Chocolate Hills na idineklara pa man din ng UNESCO bilang protected area.

Nabatid na kahit may closure order na ang resort ay tuloy pa rin ang operasyon nito.