Nagdeklara na ng state of calamity ang Bohol Provincial Government dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan.
Nirekomenda ito ng Sangguniang Panlalawigan sa Bohol Provincial Anti-Dengue Task Force dahil sa naging mabilis na pagdami ng kaso sa probinsya at para na rin makapaghanda ng mabuti ang mga mamamayan ng Bohol.
Sa inisyal na report ng provincial health office ng Bohol, tinatayang tumaas na sa 5,839 ang kabuuang bilang ng naitalang kaso sa lalawigan mula Enero hanggang Agosto 24 ngayong taon kabilang dito ang 14 na death cases mula sa sakit.
Dahil sa biglaang paglobo ng bilang ng mga kaso, namahagi ang 10 government-managed hospitals sa lalawigan ng mga suplay ng intravenous fluids at non-structural protein 1 o NS1 kits upang magamit ng mga pasyente kontra dengue.
Samantala, dahil na rin sa deklarasyon ng state of calamity sa lugar, inaasahan na ang mga residente ay magsasagawa ng mga clean up drive at mas magiging maagap sa pagpapakonsulta sa mga klinika at ospital kung makaramdam man ng sintomas na dala nito.