Bilang paggunita sa ika-11 taong anibersaryo nang pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Lalawigan ng Bohol, isang simpleng aktibidad ang isinagawa ngayong araw.
Eksaktong pagpatak ng alas 8:12 kaninang umaga, nagkaroon ng province-wide simultaneous na pagpapatunog ng mga kampana at sirens sa loob ng 32 segundo bilang simbolo ng katatagan at pag-asa.
Matatandaan na noong Oktubre 15, taong 2013 nang tumama ang napakalakas na lindol na kumitil sa buhay ng mahigit 200 katao at ikinasugat ng halos isang libong indibidwal at nag-iwan ng P2.25B halaga ng danyos kabilang ang mga lumang simbahan.
Sa isang pahayag na ipinaabot ni Tagbilaran City Bishop Alberto “Abet” Uy, nanawagan ito para sa isang araw ng panalangin.
Sinabi pa ni Bishop Uy na sa kabila ng mga hamong pinagdaanan ay nananaig umano ang katatagan at matibay na pananampalataya sa Diyos ng mga Boholano.
Aniya, ipinapakita lang umano sa buong mundo ang hindi natitinag na diwa ng mga ito sa pamamagitan ng lakas at pagkakaisa.
Samantala, sa panig naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Dr. Anthony Damalerio, ibinunyag nito na pinalakas pa nila ang kanilang mga pagsasanay bilang paghahanda sa anumang lindol na tatama sa lalawigan.
Sa katunayan aniya, sinabi ni Damalerio na nitong buwan pa lamang hanggang sa Disyembre ay puno na umano ang kanilang schedule sa mga training sa iba’t ibang local government units, mga ospital, pribadong establisyemento.
Tinawag naman nitong “learning lesson” ang nangyari 11 taon na ang nakalipas at binago pa aniya ang kanilang pananaw pagdating sa emergency at disaster response management.