Umalma ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paratang ni Cotabato City Mayor Cynthia Sayadi na nakipagsabwatan umano ang militar sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para matiyak na panalo ang Bangsamoro Organic Law sa siyudad.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division Commander M/Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi na malinis ang kanilang konsensiya at alam nila na wala silang pinapanigan.
Sinabi ni Sobejana na sa panig ng militar, ginagawa lamang nila ang kanilang misyon ito ay protektahan ang publiko mula sa mga kalaban ng estado.
Tiniyak naman ni Sobejana na nakahanda sila na harapin ang nasabing paratang.
Ikinalungkot naman ng liderato ng AFP na kahit ginampanan ng mga sundalo ang kanilang election duties ay inakusahan pa rin ang mga ito ng pandaraya.
Ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, unfair umano sa mga sundalo ang nasabing alegasyon.
Hinamon naman ng AFP si Mayor Sayadi na patunayan ang kaniyang alegasyon at magharap ng mga ebidensiya at huwag siraan ang magandang reputasyon ng militar.
Tinitiyak ng AFP na mananatiling professional, non-partisan, at totoo sa kanilang mandato ang militar na protektahan ang mga sibilyan sa kanilang political rights.