-- Advertisements --

ISABELA CITY, BASILAN – Nasa 1,300 sundalo sa lalawigan ng Basilan ang nakatutok para panatilihin ang seguridad sa nalalapit na plebisito sa probinsiya ng Basilan.

Binisita ni AFP chief of staff Gen. Benjamin Madrigal ang probinsya upang alamin ang latag ng seguridad.

Kuntento naman si Madrigal sa security preparation ng Philippine Army 104th Brigade sa pamumuno ni Col. Fernando Reyeg batay sa ibinigay nitong security briefing sa pinuno ng sandatahang lakas ng Pilipinas.

Pinaaalalahanan naman ni Madrigal ang mga sundalo ang kahalagahan ng plebisito at maging ang nalalapit na midterm election.

Binigyang-diin ng heneral sa mga sundalo ang papel ng mga ito para matiyak ang seguridad ng mga mamamayan at mga stakeholders para makaboto sa plebisito.

Sa kabilang dako, inihayag pa ng AFP chief na walang namo-monitor na anumang banta o pananabotahe sa nalalapit na plebisito ang militar sa Basilan.

Dahil sa pinaigting na seguridad, kumpiyansa ang militar na hindi makapanggulo ang teroristang Abu Sayyaf.

Tatlong bayan naman sa probinsiya ang tinukoy ng PNP na hotspot areas, ito ay ang Hadji Mohammad Ajul, Lantawan at Tipo-Tipo.

“Ang sinasabi ko nga ano based on the briefing that was given to me by the commander si Col Reyeg so far they have prepared and they do not foresee yung threat sa safe and free conduct of the elections,nagbigay sila ng areas of concerns but they have addressed that,” pahayag ni Madrigal.