Nakabalik sa winning forms ang Meralco Bolts matapos na ilampaso ang NLEX 105-91 sa nagpapatuloy na PBA 49th Season Commissioner’s Cup na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium.
Nanguna sa panalo ng Bolts si Akil Mitchell na nagtala ng 24 points at 11 rebounds habang mayroong limang manlalaro pa na iba ang nagtala ng double digits.
Mayroong 16 points at anim na rebounds si Bong Quinto, 13 points naman ang nagawa ni CJ Cansino, tig-11 points naman sina Chris Banchero at Aaron Black habang mayroong 10 points si Chris Newsome.
Inamin ni Meralco coach Luigi Trillo na ang unang quarter ng laro ay naging hamon sa kanila hanggang pagdating ng second half ay doon na sila umarangkada.
Hindi naman umubra ang nagawang 38 points at 21 rebounds ni Michael Watkins at 19 points at 10 assists naman ni Robert Bolick para sa Road Warriors.