-- Advertisements --

Tinawag ng pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na “premature” ang pagpayag na gawing optional ang pagsusuot ng face masks sa indoor spaces.

Sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) president Dr. Jose de Grano na ang voluntary na pagsusuot ng face mask indoors ay maaaring magresulta sa pagiging complacent ng mga tawo ngayong nananatili pa rin ang Covid-19.

Aniya, baka magkaron tayo ng conception na libre na tayo at isipin ng mga tao na wala na ang Covid-19.

Nauna ng inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang mga bagong impeksyon sa COVID-19 sa bansa ay maaaring tumaas mula 2,500 hanggang 18,000 araw-araw sa Nobyembre o Disyembre kung hindi na ipagpatuloy ng mga tao ang pagsusuot ng kanilang mga face mask.

Dagdag pa ni De Grano na sakaling magkaroon ng COVID-19 surge dahil sa voluntary masking, maaaring may posibilidad na hindi ito ma-handle ng mga ospital dahil sa kakulangan ng manpower.

Nanawagan na lamang si De Grano sa publiko para sa patuloy na pagsunod sa minimum public health standards, partikular na ang pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng bahay.

Nauna nang pinanindigan ng DOH na mas mapoprotektahan ang mga tao laban sa COVID-19 kung gagamit sila ng mas maraming layer ng proteksyon tulad ng masking, pagbabakuna, physical distancing, proper ventilation, sanitation, at pangangalaga sa kanilang kalusugan.