-- Advertisements --
economy 1

Pumirma ang Climate Change Commission at Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) ng isang kasunduan para palawakin pa ang volunteerism at community participation ng mga kabataan para labanan ang climate change sa bansa.

Ayon kay CCC Executive Director Robert Borje, magiging malaking tulong sa komisyon ang pagbubuluntaryo ng publiko para labanan ang lumalalang pagbabago sa klima ng bansa.

Ang mas maraming volunteer kasi aniya ay nangangahulugang mas ramdam ng publiko ang pagpapahalaga sa kalikasan, pagtutulungan upang maging ligtas ang komyunidad, at mapababa ang greenhouse gas emission.

Sa ilalim ng MOA, ang Climate Change Commission at PNVSCA ay bubuo ng mga programa at proyekto upang mai-promote ang volunteerism sa pangangalaga sa kalikasan, sa ilalim ng prinsipyo ng whole-of-the-nation approach ng pamahalaan.

Ayon kay Borje, batid ng pamahalaan ang pangangailangan na labanan ang Climate Change na siyang pinakamalaking banta sa kalikasan, ekonomiya, at iba pang aspeto ng bansa, sa mga susunod na panahon.

Magandang pagkakataon din ito aniya upang lalo pang mahikayat ang iba’t -ibang cause-oriented groups, akademia, NGO, kasama na ang mga local government units sa buong bansa, na magtulungan upang labanan ang hamon ng pagbabago sa klima.