-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Malaking kawalan sa teroristang grupo na Dawlah Islamiya ang pagkakahuli sa itinuturing nilang bomb expert na responsable sa serye ng pamomomba sa mga bus at terminal sa South Cetral Mindanao.

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Dennis Almorato, tagapagsalita ng 6ID, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang naaresto na si Jordan Akmad na na-aresto , trained bomber na myembro ng Dawlah Islamiya-Hassan Group at isa sa mga pinagkakatiwalaan ng teroristang grupo.

Ayon kay Almorato, naaresto si Akmad sa isang joint Army-police operation sa Barangay Salat, President Roxas, Cotabato.

Ang suspek ay wanted sa ilang mga kasong murder at frustrated murder na nakasalang sa ibat-ibang korte sa Mindanao.

Kinumpirma din ng opisyal na ang pagkaka-aresto kay Akmad ay naisagawa sa tulong ng ibat-ibang units ng PNP Region 12 matapos ang matagal nang paghahanap sa suspek.

Kabilang din sa mga tumulong sa operasyon na nagresulta sa pagkaka-aresto kay Akmad ang mga intelligence agents mula sa PRO-12.

Sa ngayon, nasa kustodiya na nang pulisya ang suspek habang pinaghahandaan naman ng mga otoridad ang posibleng retaliatory attack ng mga kasamahan nito.

Ipinasiguro naman ni Almorato na hindi sila nagpapabaya sa halip ay nakaalerto sa lahat ng oras upang mapigilan ang anumang karahasan ng nabanggit na grupo.