CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang bomb expert nang tinaguriang Dawlah Islamiya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa engkwentro sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Katato Samad, umano’y miyembro ng Special Operation Group (SOG) at bomb expert ng BIFF Karialan faction.
Sugatan naman sina alyas Tato at Mursid na nakatakas sa operasyon ng militar.
Ayon kay 602nd Brigade chief, Brig. Gen. Robert Capulong, muling naglunsad ng focused military operation ang mga tauhan ng 7th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Niel Roldan sa Sitio Blah, Brgy Manaulanan, Pikit, North Cotabato.
Paparating pa lamang ang pwersa ng militar sa kuta ng BIFF ay agad daw silang pinaputukan ng mga terorista.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig at umatras ang mga rebelde nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 81 mm mortar.
Napatay sa engkwentro si Samad at nakatakas ang dalawang niyang sugatan na mga kasamahan.
Narekober ng militar sa isang kubo kung saan nagtatago ang grupo ni Samad ang isang motorsiklo, dalawang improvised explosive device (IEDs) mga bala, mga sangkap sa paggawa ng bomba at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Kinompirma rin ni Col. Roldan na si Samad ay sangkot sa pambobomba sa mga transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa probinsya ng Cotabato noong 2015.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 7th IB at 602nd Brigade laban sa BIFF na kanilang nakasagupa sa Pikit, Cotabato.