CAUAYAN CITY – Ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng tulong para sa pagsisimula ng bagong buhay ng isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa pamahalaan kasama ang misis at pamangkin na miyembro ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Sumuko ang tatlo sa 95th Infantry Battalion sa ilalim ng 502nd Infantry Brigade Philipine Army sa Palanan, Isabela.
Kinilala ang mga ito na sina alyas Badie, 49, residente ng Barangay Puro, Legazpi City, Albay, commanding officer ng Regional Ordnance Group ng Regional Operations Command (ROC) ng NPA.
Kasama ang misis na si Kas Rowena, 36, miyembro ng squad tres ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG) at residente ng Barangay Alomanay, Palanan, Isabela, logistics officer at si Ka Erick na pamangkin ni Ka Badi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, hepe ng Division Public Affars Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na ayon sa kwento ni alias Badi, napilitan siyang sumapi sa kilusan noong 1998 dahil sa pagbabanta ng isang kadre sa Kastila, Sorsogon.
Noong 2002, ipinadala siya sa Camalig, Albay para mag-report kay Ka Yulo, ang political officer ng Larangan ng Albay bago siya itinalaga sa lalawigan ng Isabela kasama sina Ka Diobe at Ka Jake sa parehong taon.
Sumapi siya sa 1st platoon ng Central Front Committee sa Central Isabela na kamakailan lamang na nabuwag ng pamahalaan.
Noong 2015 ay nagtungo siya sa Sagada, Mt. Province upang magsanay na gumawa ng pampasabog at bumalik sa Digusi Complex, San Mariano, Isabela upang magturo sa kanilang mga kasapi na gumawa ng Anti-Personnel Mines (APMs).
Na-recruit ng kanyang grupo si alias Rowena na kanyang naging asawa.
Natuto si alias Rowena sa Individual Combat Training (ICT) sa Barangay Dimasalansan, Divilacan, Isabela at noong 2020 ay nag-training sa Batayang Kursong Politiko-Militar sa Barangay Dibulos, Divilacan, Isabela at noong buwan ng Hunyo ay nagsilang ng kanilang anak ni Ka Badi.
Isinuko nila ang tatlong M-16 rifles na may dalawang bandolier, tatlong cellphones, medical paraphernalia, at high value na subersibong dokumento tungkol sa kilusan; 68 piraso ng APMs; apat na detonating cords; seven blasting machines; nine remote controls; dalawang car remote controls, improvised explosives device paraphernalia, isang portable power generator, isang rifle scope, hard drive, printer sa Sitio Dadugen, Barangay Dibuluan, San Mariano.
Ayon sa mga sumukong rebelde nagpasya silang sumuko sa pamahalaan dahil sa hirap na kanilang nararanasan sa loob ng kilusan mula nang mapatay ang kanilang kumander na si Yuni sa San Guillermo, Isabela.