CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang umano’y isang terorista sa inilunsad na Oplan Paglalansag Omega ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Bangsamoro Autonomous Region) sa Cotabato City.
Nakilala ang nasawi na si Abraham Abad Abdulrahman alyas Abu Suffian, miyembro umano ng Dawlah Islamiyah terror group sa pamumuno ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abo Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF ISIS inspired group).
Ayon kay CIDG-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) assistant regional director Major Esmail Madin na nagsagawa sila ng Oplan Paglalansag Omega at Oplan Salikop sa Barangay Bagua 2, Cotabato City kung saan target ang dalawang suspek sa pambobomba sa Southseas Mall noong taong 2018.
Nang halughugin na ng mga tauhan ng CIDG-BAR katuwang ang City PNP at militar ang kuta ng mga terorista ay biglang nagpaputok si Abdulrahman gamit ang kalibre .45 na pistola.
Napilitan ang mga otoridad na gantihan ang suspek kaya ito ay nasawi nang magtamo ng apat na tama ng bala sa kanyang katawan.
Nakatakas naman ang kasama ni Abulrahman na si Jasmiya Camsa Ibrahim.
Narekober sa posisyon ng suspek ang isang kalibre .45 na pistola, magazine, mga bala, isang granada at mga sangkap sa paggawa ng IED.
Sinabi ni Major Madin na si Abdulrahman ay kasama sa mga nagplano sa pambobomba sa Southseas Mall at Marawi City siege.
Nagsanay din daw ito sa paggawa ng bomba kasama ang grupo ni Kumander Abo Toraife sa Brgy Butril, Palimbang, Sultan Kudarat.
Mariin namang pinabulaanan ni Marifa Sarento na sangkot sa pambobomba ang kanyang mister at isa lamang itong payong-payong driver kaya hustisya ang kanilang sigaw sa sinapit nito.