-- Advertisements --
Dugong Bombo Baguio
Dugong Bombo

BAGUIO CITY – Kinilala ng Philippine Red Cross (PRC) – Baguio Chapter ang himpilan ng Bombo Radyo Baguio bilang Hall of Famer mula sa mga blood galloners club, members at partners nito.

Ginawa ito sa recognition ceremony nitong Biyernes ng umaga kung saan ibinigay ng PRC-Baguio ang plaque ng Bombo Baguio bilang pagkilala nila sa malaking kontribusyon ng himpilan sa pagsusulong ng boluntaryong pag-donate ng dugo para mapanatili ang sapat at de kalidad na suplay ng dugo sa lungsod.

Nakasaad sa pagkilala na may total contribution ang Bombo Baguio na 2,293 units ng dugo sa loob ng 16 taon mula noong 2003.

Naipon ang mga nasabing dugo mula sa taunang Dugong Bombo ng Bombo Radyo Philippines na isa sa mga major social responsibility ng network para sa mga nangangailangan.

Personal na tinanggap ni Bombo William Luczon, station manager ng Bombo Baguio ang nasabing pagkilala.

Maliban sa Bombo Baguio ay kinilala din ng PRC-Baguio ang iba pang mga indibidual dahil sa patuloy nilang kontribusyon sa paglikom ng ahensia ng dugo.

Samantala, ihinayag ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang labis niyang pasasalamat sa mga volunteers.