-- Advertisements --
isabela jones

CAUAYAN CITY – Binigyang pagkilala ng election officer ng San Mariano, Isabela, ang Bombo Radyo Cauayan bilang nag-iisang media entity na nag-cover sa special election sa Dicamay I, Jones, Isabela nitong Lunes, May 20.

Si Election Officer Harold Benedict Peñaflor ang nagsilbing chairman ng Special Electoral Board (SEB) sa isinagawang special election sa Dicamay I na isa sa mga pinakamalayong barangay ng Jones.

Ang Dicamay I ay mahigit 28 kilometro ang layo sa town proper ng Jones at ang daan na karamihan ay rough road at baku-bako ay nasa gilid ng bundok kaya mahirap ang biyahe bukod pa sa may presensiya ng mga rebelde sa nasabing liblib na lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Peñaflor na kahit napakalayo ng Barangay Dicamay I at mahina ang signal ng telekomunikasyon ay nagawan ng paraan partikular sa pamamagitan ni Bombo Kervin Gammad para maihatid ang mga kaganapan sa special election.

Sa pamamagitan ng pagsabit sa kanyang cellphone sa gilid ng isang bahay malapit sa Community Center kung saan ginanap ang botohan ay nakakuha ng signal si Bombo Kervin para maiulat ang mga kaganapan sa botohan at live na na-interview ang mga opisyal ng Commission on Elections na tumutok sa halalan sa pangunguna ni Regional Director Julius Torres.

Samantala, hinangaan din Ginoong Peñaflor ang nag-iisang guro mula sa Department of Education na si Michael John Manibog na pumayag na maging miyembro ng SEB.

Ang mga guro kasi na naunang nagsilbi sa halalan sa nasabing barangay ay tumanggi nang maging miyembro ng SEB dahil sila ay natakot sa pagharang sa kanila ng mga armadong lalaki at pagsunog sa mga dala nilang vote counting machine (VCM) na dadalhin sana nila sa munisipyo ng Jones noong umaga ng Mayo 14, 2019.

Kung maaalala, ang pagsasagawa ng special election sa Dicamay I ay bunga ng pagsunog ng mga armadong lalaki sa bahagi ng VCM, SD (secure digital) card at mahigit 200 balota na hindi pa nabasa mula sa nabanggit na barangay.