Nagpapatuloy ngayon ang isinasagawang sabay-sabay na Bombo Medico 2019 sa 24 key cities sa buong bansa sa ilalim ng mahigit sa 30 mga Bombo Radyo at Star FM Stations.
Layunin ng Bombo Medico 2019 ng Bombo Radyo Philippines na mapagkalooban ng tulong medical, optical at dental ang mga kababayan nating hindi makayanan ang pagpapakonsulta sa mga doktor.
Dahil sa mataas na presyo ng mga gamot at iba pang serbisyong medikal, optikal at dental, ang Bombo Medico ay mamimigay ng libreng gamot para sa mga may karamdaman, libreng bunot ng ipin at marami pang mas pinalawak na mga serbisyo at paglilingkod sa ating mga kapuspalad na kababayan.
Ang gamot lamang na ipapamahagi ay aabot sa P22-milyon.
Ang simultaneous nationwide medical, optical at dental mission ay isa sa maraming mga programa na binuo sa ilalim ng pangangasiwa ng Chairman ng Bombo Radyo Philippines, Dr. Rogelio M. Florete, para matulungan ang ating mahihirap na kababayan at bilang bahagi na rin ng Corporate Social Responsibility ng Bombo Radyo Philippines.
Ang iba pang mga proyekto ng Network na isinasagawa ay ang Dugong Bombo tuwing Nobyembre. Ang bloodletting activity ay idinaraos din nang sabay-sabay sa mga Bombo Radyo at Star FM stations nationwide at para naman para sa kultura ay ang Bombo Music Festival tuwing Enero para po sa mga composers, lyricists at singers ng OPM Music.
Tulad ng taunang ginagawa, muling naging bahagi sa pagbibigay serbisyo ng Bombo Medico 2019 para mag-alay ng kanilang libreng oras at kagalingan ay ang mga doktors, dentists, pharmacists, nurses, nursing aids, volunteers, at iba pang mga grupo na aabot sa 2,500 indibiduwal, hindi pa kasama dyan ang mga personnel ng Bombo Radyo at Star FM sa buong bansa.
Liban sa medical checkup, dental services, libreng gamot, ang iba pang serbisyo na ibinabahagi ngayong araw ay ang pamimigay ng dentures, hearing aid, arms prothetics, wheelchairs, crutches, reading glasses, kasama na rin ang libreng tuli, HIV testing, cataract screening, blood sugar testing, prostate screening, X-ray, ECG, massage, haircut at pati na rin minor surgery para sa may cyst, harelip/cleft palate at hernia.
Mayroon ding legal services, feeding program, iba’t ibang lectures sa kalusugan na sasabayan ng pagbibigay ng dental kits, libro at tsinelas pati na rin ng arm prosthetic.
Samantala, kaagapay ng Bombo Radyo at Star FM sa Bombo Medico 2019 ay ang mga sumusunod: Morifer, Filipino Indian Chamber of Commerce Incorporated at Department of Health.
Ang mga 24 na mga lugar na sentro nang ginananap na Bombo Medico 2019 ay kinabibilangan ng lungsod ng Maynila, Tuguegarao, Cauayan, Laoag, Vigan, La Union, Dagupan, Baguio, Naga, Legazpi, Bacolod, Iloilo, Roxas, Kalibo, Cebu, Tacloban, Davao, General Santos, Butuan, Koronadal, Cotabato, Dipolog, Cagayan de Oro at Zamboanga City.