LA UNION – Pinuri ng PMFTC Inc. at ng iba pang organisasyon ang matagumpay na Bombo Medico 2019 na isinagawa sa La Union National High School dito sa San Fernando City, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMFTC Communications Officer Bebeth Santiago, sinabi nito na sa pamamagitan ng kanilang corporate social responsibility arm na EMBRACE ay halos limang taon na rin silang nakikipagtulungan sa Bombo Medico ng Bombo Radyo Phils. na pinangungunahan ng iba’t ibang himpilan ng Bombo Radyo at Star FM sa bansa.
Natutuwa ito dahil sa dami ng kapwa nila volunteers at supporters ng Bombo Radyo Philippines nagsamasama para sa layunin matulungan ang mga kapuspalad na kababayan na nangangailangan ng medical services.
Ang PMFTC Inc. ang isa sa mga donors at sponsor na may maraming gamot na naiambag sa Bombo Medico sa La Union.
Samantala, pinuri rin ni Rotary Club – San Fernando City, La Union Chapter President Arch. Ronald Dy ang Bombo Medico dahil sa laki ng bilang ng mga kababayan na sabay-sabay na nabigyan ng libreng medical services at gamot.