Binigyang pagkilala ng Philippine Coast Guard ang programang Bombo Network News ng Bombo Radyo Philippines.
Sa ginanap na Media Appreciation na inorganisa ng Coast Guard Public Affairs Service ay pinangunahan ni PCG Deputy Commandant for Operations, Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr., at Coast Guard Public Affairs Service Acting Commander, at Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo ang pagbibigay ng Plaque of Recognition para sa piling mga miyembro ng media kabilang na ang Bombo Radyo Philippines.
Ayon kay Rear Admiral Balilo, ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanilang pagpapahayag ng pasasalamat sa mga miyembro ng media sa suportang ibinibigay nito sa kanilang hanay sa pamamagitan ng paghahatid ng tama at tapat na balita.
Aniya, bagama’t nagkaroon ng pagbabago sa istilo ng pagseserbisyo ang kanilang hanay ay hindi pa rin nagbago ang samahan nito sa mga mamamahayag kasabay ng pagpapasalamat sa hindi pagkalimot ng media na hingin ang panig ng PCG sa tuwing may mga kontrobersiya para sa patas na pagbabalita.
Samantala, bukod dito ay nagpahayag din ng pasasalamat si Balilo sa mga tauhan ng PCG na naging kabahagi aniya ng Public Affairs Service sa pagbibigay ng mabilis at maasahang impormasyon para sa publiko.