-- Advertisements --
PLATINUM AWARD 4
Platinum awards

BACOLOD CITY – Tumanggap ang Bombo Radyo Bacolod ng pinakamataas na pagkilala mula sa Philippine Red Cross dahil sa patuloy nitong pagsuporta sa pag-promote ng voluntary blood donation at pag-organize ng mass blood donation activities upang makatulong sa mga nangangailangan at matiyak ang supply ng ligtas at quality na dugo.

Kasabay ng Handog Pasasalamat para sa Dugong Negrense 2019 ng Philippine Red Cross sa Social Hall ng Negros Occidental Provincial Capitol nitong Biyernes, tumanggap ang Bombo Radyo Bacolod ng Blood Services Platinum Award.

Ang Bombo Radyo ang tanging radio station na binigyan ng parangal sa Negros Occidental.

Ayon kay Rita Benita Mirasol, OIC administrator ng Philippine Red Cross Bacolod City Chapter, ang makakakuha ng Platinum Award ay ang mga kompanya o organisasyon na patuloy ang bloodletting sa loob nga 10 taon pataas at mahigit 1,000 units ang nakolekta sa nasabing period.

Ayon sa rekord, ang Bombo Radyo Bacolod ay nakakolekta ng 4,190 blood units sa loob ng 13 taon na partnership sa Red Cross.

Mismo si Red Cross Chairman at Chief Executive Officer Senator Richard Gordon ang lumagda sa plaque na binigay sa Bombo Radyo.

Mayroon ding non-government organizations at barangay na tumanggap ng parangal kagaya ng Barangay Handumanan, Mansilingan at Alijis, Bacolod City; habang sa mga bayan naman, pinarangalan ang Pulupandan, Murcia, Valladolid at Isabela.

Nanawagan din si Mirasol sa mga may kakayahang magdonate ng dugo na makibahagi sa Dugong Bombo 2019 na gaganapin sa Nobyembre 16 sa City Mall Mandalagan.