CAUAYAN CITY – Iginawad ng Philippine Air Force (PAF) sa Bombo Radyo Cauayan ang pinakamataas na pagkilala sa naging kontribusyon ng station bilang tulay ng Tactical Operations Group (TOG)-2 sa paghahatid ng mga impormasyon sa publiko.
Pinangunahan ni TOG-2 Commander Col. Augusto Padua ang pagbibigay sa Bombo Radyo Cauayan sa Most Outstanding Philippine Air Force Stakeholder Award 2020 sa kanilang pagdiriwang ng founding anniversary ng PAF.
Pinangunahan ni Bombo Mariel Gomez, station manager ng Bombo Radyo Cauayan ang pagtanggap ng award.
Ang Bombo Radyo Cauayan ang natatanging radio station sa buong bansa na ginawaran ng pinakamataas na pagkilala ng Philippine Air Force.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Padua na mula sa 16 na stakeholders ay ang Bombo Radyo Cauayan ang napili ng PAF.
Nakamit din ng TOG 2 na pinamumunuan ni Col. Padua ang Outstanding Tactical Operations Group Award for the Year 2020 mula sa Tactical Operations Wing Northern Luzon ng PAF.
Kasabay ng natanggap na parangal ng TOG 2 at Bombo Radyo Cauayan mula sa PAF ay umaasa si Col. Padua na matutuldukan na ang armadong pakikibaka para makamit ang isang maunlad na bansa
Samantala, nagpasalamat ang Bombo Radyo Cauayan sa nakamit na pinakamataas na pagkilala na iginawad ng PAF.
Sinabi ni Bombo Mariel na ang natanggap na parangal ay patunay na nasa tamang landas ang Bombo Radyo Cauayan sa paghahatid ng mga serbisyo, balita at impormasyon.