-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nabasag ng Bombo Radyo Iloilo ang sariling rekord nito bilang pinaka-maraming nabigyan ng serbisyo sa taunang Bombo Medico.

Batay sa huling datos, umabot sa higit 7,500 ang bilang ng mga pasyente na nakapagpa-konsulta sa medical, dental at optical check up stations na sinet up sa Iloilo Science and Technology University.

Ayon sa station manager ng himpilan na si Bombo Roger Gencianeo, record high na maituturing ang bilang naabot ng istasyon mula sa halos 7,400 noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng bagong datos, halos 1,000 ang nabigyan ng dental service; 1,300 sa optical; higit 2,300 sa medical; at halos 3,000 sa ibang serbisyo.

Bukod sa naturang mga serbisyong medikal, naging patok din ang kids toy therapy ng Philippine Army kung saan namigay ng laruan ang mga sundalo.

Maging ang Society for Integrative Energetic Healing Study Inc. ay namigay din ng espesyal na mga gamit para mapuksa ang ibang uri ng sakit gaya ng dengue.

May libreng dextrose naman na ipinamigay ang himpilan para sa mga pasyenteng may dengue hemorrhagic fever.

Aabot sa P1.2-milyon na halaga ng gamot ang ipinamigay ng Bombo Medico sa mga nagpakonsultang pasyente nito sa Iloilo CIty.