-- Advertisements --

CEBU – Nilinaw ng National Bureau of Investigation 7 na nakabase lang sa circular mismo ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth ang kanilang mga isinagawang imbestigasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Renan Oliva, ang Regional Director ng NBI 7, sinabi nitong may tinatawag na ‘probable COVID’ sa guidelines ng Philhealth kung saan dito umano nakabase ang kanilang paghain ng kaso laban sa ahensya at sa isang ospital.

Ayon kay Atty. Oliva na hindi lang ang Perpetual Succour Hospital at Chong Hua Hospital ang kanilang inimbestigahan kundi halos lahat ng ospital sa rehiyon 7 at ang nasabing dalawang ospital pa lang ang kanilang nakasohan.

Aniya, sa kanilang ‘random investigation’, may mga claims na regular at nakasunod naman sa mga requirements, ngunit may mga ospital talaga na hindi ma-justify ang kanilang mga claims kaya nila ito kakasohan.

Sa ngayon, sinabi nitong marami pa silang isinailalim sa evaluation at patong patong na dokumento pa ang kanilang pinag-aralan kaya kasama na nila ang kanilang medico legal sa pag-interpret ng mga nasabing dokumento.

Kaugnay nito, hinikayat ni Atty. Oliva ang publiko na dumulog sa Bombo Radyo kung may mga reklamo tungkol sa COVID-19 claims dahil aniya, ang katuwang ng NBI 7 sa kautosan mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-imbestiga ng mga anomalosong COVID-19 claims.